-- Advertisements --

Patay ang 2 katao habang 3 ang napaulat na nawawala matapos masunog ang isang fishing boat sa bisinidad ng karagatan ng Naga city sa Cebu nitong gabi ng Miyerkules base sa inilabas na impormasyon ng Philippine Coast Guard ngayong araw lamang, Hunyo 6.

Sa isang statement, iniulat ng PCG na mayroong isa sa mga sakay ng bangka ang nagtamo ng third degree burns na nawalan ng malay habang naisalba naman ang 5 katao mula sa nasusunog na bangka.

Ayon sa PCG, natanggap nila ang report dakong 8:25PM hinggil sa insidente ng sunog sa FBCA King Bryan na may lulang 11 crew na may layong 1.5 nautical miles silangan mula sa pinakamalapit na baybayin ng Naga city.

Agad namang rumespondi ang Coast Guard Sub-Station Naga sa insidente at sa kasamaang palad nga ay narekober ang 2 labi ng mga biktima.

Sa ngayon inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkasunog ng naturang fishing boat.