Nasa 2 katao na ang kumpirmadong nasawi habang 92 ang nasugatan sa hagupit ng Typhoon Yagi sa China partikular na sa island province ng Hainan.
Ayon sa local authorities, ang 2 nasawi nitong Sabado ay mula sa Ding’an County habang nakapagtala naman ng 12 indibidwal na nasugatan sa Wenchang city at 80 din ang napaulat na nasugatan sa Haikou.
Nitong Biyernes nang makalawang beses na nag-landfall ang bagyo sa China na unang nanalasa sa Hainan bago tumbukin nito ang Guangdong province.
Nagsuspendi na rin ng mga pasok sa eskwelahan nitong Biyernes ang ilang lugar sa southern China kabilang ang Guangzhou, Shenzhen, at Yangjiang habang ipinagpaliban naman ng mga unibersidad ang pagsisimula ng kanilang academic year. Ilang flights na rin ang kinansela sa rehiyon dahil sa bagyo.
Ngayong Sabado, nag-landfall ang Super Typhoon Yagi sa northern Vietnam partikular na sa Hai Phong at Quang Ninh provinces. May taglay itong lakas ng hangin na lagpas sa 149kmh ayon sa National Centre for Hydro-Meteorological Forecasting.
Inilikas na rin ang nasa halos 50,000 katao mula sa coastal towns at nagpadala na rin ang gobyerno ng 450,000 military personnel para sa rescue operations.
Sinuspendi na rin ang mga operasyon ng ilang oras sa 4 na paliparan ngayong Sabado kabilang na sa Noi Bai sa Hanoi na nagresulta sa kanselasyon ng 300 flights. Kanselado na rin ang mga pasok sa paaralan sa 12 northern provinces kabilang na sa kabisera ng Hanoi.