Nakadetain na ngayon sa detention cell ng Danao City police station ang isang driver ng pampasaherong bus sa Barangay Dunggoan sa lungsod ng Danao matapos nabangga nito ang nakamotorsiklo at ikinasawi ng dalawang katao.
Kinilala ang mga nasawi na sina Christian Warren Perez Bendaña, 35 anyos at Jephy Navales, 37 anyos.
Nakilala naman ang driver ng bus na si Rano Dela Cruz Miscala, 28 anyos mula sa bayan ng San Remigio, Cebu.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Danao City PNP parehong patungo ang mga ito sa timog na bahagi ng Cebu nang aksidenteng nabangga ng bus ang motorsiklo.
Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang mga biktima at sumalpok sa ilalim ng bus.
Nagtamo ng lubhang sugat ang mga biktima at isinugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Wasak naman ang sinasakyang motorsiklo at ang harapang bahagi ng bus.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nakatakdang sampahan ng karampatang kaso.