-- Advertisements --

VIGAN CITY – Dalawang katao ang patay sa magkasunod na pamamaril na nangyari sa lalawigan ng Ilocos Sur ngayong linggo.

Nito lamang Huwebes, Enero 23, nang pagbabarilin-patay ng mga hindi pa kilalang suspek ang biktimang si Peter Paul Ramirez, 62, na residente ng San Ramon, Magsingal habang binabagtas nito ang national highway sa Barangay Barbarit, Magsingal.

Pauwi na sana ang biktimang nakasakay sa kaniyang tricycle nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek na nakasakay sa motorsiklo.

Naitakbo sa Ilocos Sur District Hospital-Magsingal ang biktima ngunit idineklerang dead on arrival.

Samantala, pauwi na rin sana sa kaniyang bahay habang sakay ng tricycle si Jimmy Rodiris, 48-anyos na residente ng Barangay Pudoc Norte, San Vicente nang pagbabarilin ito ng mga riding in tandem suspects sa barangay road ng Barangay Bantaoay, San Vicente.

Nagtamo ng lima hanggang anim na tama ng pinaniniwalaang caliber 45 pistol ang biktima na dinala sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklerang dead on arrival.

Ang dalawang biktima ng magkasunod na pamamaril sa lalawigan ay napag-alamang kapuwa humaharap sa kaso.

Si Ramirez ay nakasuhan ng frustrated murder samantalang si Rodiris naman ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act at hindi pagbibigay ng sustento sa kaniyang mga anak.