CAUAYAN CITY – Umabot sa P1 milyong cash ang natangay sa dalawang Empleyado ng J&T Delivery Express matapos maholdap sa Brgy. Villasis, Santiago City.
Sa nakuhang na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang mga biktima ay sina Jerick Bilog, 25 anyos, binata, delivery express rider, residente ng Rizal, Santiago City at Ginalyn Lorenzo, 22 anyos, delivery express COD Admin, residente ng Divisoria, Santiago City.
Batay sa ulat sa Santiago City Police Office Station 1, personal na nagtungo sa himpilan ng Pulisya ang mga biktima upang ipaalam ang naganap na panghohold-up sa kanila ng hindi pa matukoy na mga kalalakihan habang patungo sila sa bangko.
Ang dalawang biktima ay lulan ng motorsiklo patungo sana sa isang banko na matatagpuan sa Camacam Street, Malvar, Santiago City upang magdeposito.
Sa halip na sa City Road umano dumaan ang mga biktima ay dumaan sila Perez Street, Villasis, Santiago City .
Sa salaysay ng mga biktima na dumaan sila sa Perez Street dahil dadaan sila sa isang karinderya para bumili ng pagkain.
Ang mga biktima ay hinarang umano ng dalawang lalaking lulan din ng motorsiklo na bumunot ng kalibre kuwarenta’y singkong baril at nagdeklara ng hold-up
Tinangay ng mga pinaghihinalaan ang bag na naglalaman ng P1.094M cash at tumakas sa hindi matukoy na direksyon.
Ang backrider na suspek ay nakasuot ng itim na jacket habang ang driver ng motorsiklo ay nakasuot ng puting jacket.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga kasapi ng SCPO Station 1 upang matukoy kung mayroong kasabwat ang mga holdaper.