-- Advertisements --

Nakatakdang sentensiyahan ang 2 administrators ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Abril 21 ng susunod na taon.

Ito ay sina Amanda Estopare at Guia Cabactulan na kapwa inaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa visa fraud case sa Amerika.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni United States District Court – Central District of California Judge Terry Hatter Jr. ang paghahanda ng pre-sentence report sa kaso nina Estopare at Cabactulan matapos tanggapin ng korte ang kanilang guilty plea.

Ito ay kasunod ng boluntaryong pag-amin ng 2 ng kanilang kasalanan at ganap na naunawaan ang mga kondisyon sa ilalim ng plea agreement na kanilang ipinasok sa US District Attorney’s Office noong Oktubre.

Dahil dito, pinayagan ng korte ang 2 na makapag-piyansa para sa pansamantalang kalayaan basta’t sumunod ang mga ito sa tuntunin at kondisyon na itinakda ng korte sa panahon ng kanilang paglaya.

Kasalukuyang nasa ilalim naman ng supervision ng Probation Office ang nasabing mga akusado.

Una rito, base sa mga dokumento mula sa korte, sina Estopare at Cabactulan kasama ang iba pang defendants ay nagkaroon ng kasunduan na gumawa ng marriage fraud na nagsimula noong 2015 hanggang Enero 19, 2020. Nagsagawa aniya ang mga ito ng arrange marriage sa mga miyembro ng KOJC na pinadala ng kanilang founder na si Pastor Apollo Quiboloy sa Amerika para pumasok sa isang pekeng kasal sa ibang miyembro ng KOJC na US citizens para magkaroon sila ng permanent resident status sa Amerika.