-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang dalawang kolektor ng isang lending company nang mabangga sila ng isang trak sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Arson “Doydoy” Indigo Bacarisa, 30, residente ng Purok Bayabas at Raffy Ratilla na residente ng Purok Mangosteen, Barangay Linangkob, Kidapawan City.

Ayon sa ulat ng Makilala PNP Traffic Division na papuntang Davao City ang trailer truck na minamaneho ni Dennis Villegas at aksidente umano nitong binangga ang motorsiklo na sinakyan ng mga biktima na mula sa kabilang lane ng highway sa Sitio Flortam, Barangay Batasan, Makilala, Cotabato.

Nakaladkad pa ng 20 metro ang mga biktima at on the spot na binawian ng buhay.

Ngunit sa pahayag ng mga residente pumutok umano ang unahang gulong ng motorsiklo kaya bumangga ito sa kasalubong na trak.

Sumuko naman si Villegas sa pulisya at patuloy itong iniimbestigahan ng mga otoridad.