-- Advertisements --

Aabot na sa 50 ang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) sa Kamara matapos na dalawang kongresista pa ang sumali sa naturang partido.

Sa isang statement, sinabi ni House majority Leader Martin Romualdez na lumipat na sa Lakas-CMD sina La Union 2nd District Representative Sandra Eriguel, Chairperson ng House Inter-parliamentary Relations and Diplomacy, at si Nueva Vizcaya Lone District Representative Luisa Lloren Cuaresma.

Si Eriguel na rin ang siyang mag-take over sa puwesto ni dating Lakas-CMD Vice President for Health Services Willie Ong, na ngayon ay nasa Aksyon Demokratiko party na makalipas na pumayag ito na maging running mate ni Manila City Mayor Isko Moreno para sa 2022 polls.

Samantala, si Cuaresma naman ay ginawa nang Vice President for Local Government Concerns ng Lakas.

Sa kabilang dako, ang negosyante na si Katrina Ponce Enrile, anak ni dating Senate President Juan Ponce Enrile, ay sumali rin sa partido.

Si Kartina Enrile ay tatakbo bilang 1st District Rep. ng Cagayan sa ilalim ng Lakas-CMD.

Miyembro na rin sa ngayon ng Lakas-CMD sina Quezon City 1st District Councilor Nikki Crisologo, Quezon City 3rd District Councilor John Defensor, Christian Ryan Bustamante, at Franz William Ernest Belgica .