Aprubado na ni PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa ang deployment ng dalawang company ng Special Action Force (SAF) na binubuo ng 150 personnel sa Cebu para tumulong sa pagpapatupad ng striktong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito’y sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang mga kaso ng Covid 19 sa nasabing lugar.
Ayon Kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force Covid Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, ang ipadadalang 150 SAF members ay matiyak na naipapatupad ang health and safety protocols, siguraduhing mananatili sa bahay ang mga tao, at gumagamit ng face masks sa mga mahahalagang lakad sa labas ng bahay.
Batay kasi sa naging obserbasyon ng mga opisyal ng Inter Agency Task force at National Task Force on Covid 19 (NTF-Covid 19) sa kanilang ginawang inspection sa Cebu na marami ang hindi sumusunod sa quarantine protocols.
Una naring nagpadala ang PNP ng karagdagang 100 pulis mula sa PRO6 at PRO 8 sa Cebu para tumulong sa mga lokal na pulis sa pagpapatupad ng ECQ.
Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si PNP Special Action Force (SAF) Director PMGen. Amando Clifton Empiso na magagawa ng SAF sa Cebu ang nagawa nila sa pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila.
Base sa datos ng JTF Covid Shield, malaki ang Ibinaba ng bilang ng mga quarantine violators nang I-deploy ang SAF simula noong ikatlong linggo ng Abril sa pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila, partikular sa mga palengke at sa iba pang mga lugar na maraming pasaway.
Ayon kay Gen. Eleazar, Nakikipag-coordinate narin ang PNP sa Phil. Coast Guard at AFP para sa deployment ng mobility assets ng SAF, tulad ng multi purpose armored vehicles na ipadadala din sa Cebu.
Bukod sa SAF troopers, sinabi ni Gen. Eleazar na magpapadala din ang PNP ng 3 senior officials ng PNP Directorate for Integrated Police Operations-Visayas at PNP Directorate for Operations, para I-supervise ang mga quarantine operations ng mga pulis sa Cebu.
Sa panig naman ng AFP Central Command, sa ilalim ng pamumuno ni Lt Gen. Roberto Ancan, may mga tropa na silang pinadala sa Cebu City para tumulong sa pagpapatupad ng ECQ.
Mino-mobilize na rin ng Central Command ang lahat ng kanilang air assets sa Cebu City para imonitor ang physical distancing.