Nadiskubri ng Department of Agriculture (DA) na sarado na o hindi na operational ang dalawang kumpanya na nagmamay-ari ng ilang kargamento ng bigas na nakatengga ngayon sa Pier.
Ito ang kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel.
Sinabi ni Laurel na kumukonsulta na ngayon sila sa kanilang legal unit, ito ay para malaman kung dapat makasuhan o mapanagot ang mga dating kumpanya o consignee ng ilang kargamento ng bigas na nakatengga sa port of Manila.
Ayon kay Laurel, nadiskubre nilang hindi na existing o naglaho nang parang bula ang dalawang kumpanya na nakapangalan sa ilang kargamento.
Kaya naman deklarado na aniyang abandonado ang mga kargamentong ito.
Sabi ni Laurel sa susunod na dalawang linggo ay malalaman nila ang kabuuang detalye ng mga inabandonang kargamento.
Aalamin kung may matutukoy pang mga indibidwal o kumpanyang nagmamay ari nito at ipinapalagay niyang dapat lang na may panagutan o makasuhan sa mga ito dahil sa matagal na pagtengga ng kargamento sa pier at posibleng may pagtatangkang i hoard ito para kumita nang mas malaki o ang tinatawag na profiteering.
Pinasusuri na aniya nila sa bureau of plant industry kung ligtas pang kainin ang mga bigas na laman ng container vans.
Kapag lumabas aniya sa pagsusuri na ligtas kainin, naka depende aniya sa magiging deklarasyon ng bureau of customs kung ang mga abandonadong kargamento ng bigas ay isasa ilalim sa auction o kung pwedeng ibenta na lamang ito sa mas murang halaga ng mga kadiwa outlets.
Sinabi ni Laurel na sa ngayon hindi na ganun karami ang mga container van na patuloy na naka tengga sa pier at ang mga ito aniya ay pasok pa naman sa 30 araw na panahong pinapayagan itong maiimbak sa pantalan.
Nakausap na aniya nila ang mga consignee at importers at unti unti na nilang inilalabas ang mga kargamento.