CENTRAL MINDANAO-Kontrolado na ng militar ang dalawang kampo ng mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.
Ayon kay 601st Brigade Commander Colonel Oriel Pangcog na nakubkob nila ang kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) sa bahagi ng Sitio Pedtad Barangay Pagatin 1 at Sitio Talitay Barangay Inaladan Shariff Saydona Mustapha Maguindanao Del Sur.
Umatras ang mga rebelde sa pamumuno nina Kumander Yusa Ganoy, Abdulkarim Lumbatan Hashim alyas Boy Jacket, Ben Harris, Emarudin Kulaw at alyas Alpha King na mapasok ng Joint Task Force Central ang kanilang mga kampo matapos ang ilang minutong palitan ng bala sa magkabilang panig.
Malaki ang paniniwala ni Col Pangcog na may nasawi at nasugatan sa BIFF dahil sa nagkalat nab akas ng dugo sa loob ng kanilang kuta.
Narekober rin ang mga mahahalagang dokumento at mga sangkap sa paggawa ng bomba sa loob ng kampo ng mga terorista.
Masaya naman ang mga residente dahil Malaya na sila sa kamay ng mga terorista.
Matagal na nilang nirereklamo ang mga armadong grupo sa kanilang lugar dahil pinagbabawalan silang makapunta sa kanilang mga palaisdaan at sakahan.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang mga rebelde sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha Maguindanao Del Sur.