SIATON, NEGROS ORIENTAL – Patuloy pa ngayon ang isinagawang imbestigasyon ng Siaton Police station hinggil sa insidente ng pamamaril noong Sabado, Nobyembre 5, sa Brgy. Napacao, Siaton, Negros Oriental na humantong sa pagkamatay ng dalawang indibidwal.
Nakilala ang mga biktima na sina Richard Eparwa Cañete, 32 anyos, residente ng nasabing barangay at Rolando Lastimado Morte, 26 anyos, residente ng Brgy. Sandulot sa nasabing bayan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na pauwi ang mga biktima sakay ng motorsiklo nang hinahabol ng mga suspek at pinagbabaril ng makailang beses.
Nagtamo ang mga ito ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahilan sa agarang pagkamatay.
Tinangay din umano ng mga suspek ang perang hindi pa malamang halaga mula sa mga biktima kabilang ang itim na Honda CRF150 ni Cañete.
Agad namang tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Narekober naman sa crime scene ang dalawang piraso ng slug at labing-isang piraso ng fired cartridge ng kalibre .45 na pistola.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Siaton PNP ang nasabing krimen.