BOMBO DAGUPAN -Nasawi ang dalawang katao sa magkahiwalay na aksidente sa kalsada sa lungsod ng Urdaneta .
Ayon kay PCPT. Rey Floro Tuanquin, ang Investigation Officer ng Urdaneta City Police Station, nangyari ang unang insidente sa kahabaan ng Diversion Road sa Brgy. Sta Lucia sa nasabing lungsod.
Ito ay kinasangkutan ng isang motorsiklo na minamaneho ni Mark Russel Javier na residente ng bayan ng Asingan.
Base sa salaysay ng kasamahan ng biktima na kinilalang si Albert Lutrania Javier, 27 anyos, binata, na sakay ng isa pang motorsiklo na nakabuntot siya sa biktima na mabilis umano ang pagpapatakbo sa kanyang motorsiklo.
Nang makarating sa pakurbang ruta ay nawalan ito ng kontrol sa manibela at bumangga sa metal railings na nasa eastbound lane.
Dahil dito, nagtamo ng pinsala sa ulo ang biktima kung saan wala rin itong suot na protective helmet.
Agad namang naisugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.
Samantala, naitala naman ang ikalawang aksidente na kinasangkutan naman ng dalawang sasakyan na nangyari sa Zone 5 Brgy. Pinmaludpod, sa nasabi ding lungsod.
Sangkot dito ang isang kotse na minamaneho ni Norberto Combes, 44-anyos, residente sa parehong lungsod at isang motorsiklo na minamaneho ni Dan Aldrin Dela Cruz, 20 anyos, estudyante.
Sa isinagawang imbestigasyon, ang motorsiklo na minamaneho ng biktima ay patungo sa direksyong kanluran, habang ang kotse naman ay patungo sa silangang direksyon kung saan nang pumasok ang kotse sa linya ng motorsiklo sa kalsada, dito na umano nangyari ang salpukan.
Batay sa lokasyon ng mga debris at posisyon ng parehong sasakyan ang punto ng banggaan ay nasa westbound lane.
Isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara naman itong dead on arrival.
Kaugnay nito, nasa kustodiya na ng kapulisan ang drayber ng kotse at posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting on Homicide and Damage to Property.