-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga pulis ang dalawang helper dahil sa pagnanakaw sa Sagana, Santiago City.

Batay sa talaan ng Santiago City Police Office (SCPO) Station 4, ang mga pinaghihinalaan ang nasa likod ng ilang serye ng nakawan ng motorsiklo sa lunsod.

Kinilala ang mga pinaghihinalaan na sina Christian Vergara, 23-anyos, residente ng Calaocan, Santiago City at Ern John Russell Reyes, 22-anyos, at residente ng Victory Norte, Santiago City.

Ayon sa pulisya naganap ang pagnanakaw sa isang Gasoline Station sa Brgy. Sagana na agad nilang tinugunan at nagresulta ng pagkakahuli ng mga suspek.

Iniwan ng isang ginang ang kanyang motorsiklo sa nasabing Gasoline Station para makapag-jogging sa lugar.

Nang pabalik na siya ay nahuli sa akto ang mga suspek na sapilitang binubuksan ang compartment ng kanyang motorsiklo kaya nagsumbong sa mga pulis na nakaposte sa lugar.

Agad na nahuli ang mga suspek at nakuha sa kanilang pag-iingat ang labindalawang iba’t ibang klase ng ID na pag-aari ng iba’t ibang personalidad, dokumento ng motorsiklo, apat na pitaka, isang shoulder bag at get away motorcycle ng mga pinaghihinalaan.

Dahil dito ay mahaharap ang mga pinaghihinalaan sa kasong Robbery at sila ay kasalukuyang nakapiit sa lock up cell ng SCPO Station 4.