CAUAYAN CITY – Dinakip ang dalawang lalaki sa Solano, Nueva Vizcaya dahil sa pagkakasangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.
Ang mga suspect ay sina Jayvie Pagsulingan, 30 anyos, residente ng Jones, Isabela at Ryan Jayvee De Leon, 35 anyos, may asawa at residente ng Centro West, lunsod ng Santiago.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dahil sa patuloy na monitoring at pagsasagawa ng validation sa mga naging rebelasyon ni Romuel Salmos na nauugnay sa kasong pangingikil at iligal na droga ay nadakip ang mga pinaghihinalaan.
Sa pagtutulungan ng mga kasapi ng Solano Police Station at PDEA Region 2 ay inilatag ang anti illegal drug buy bust operation laban kina Pagsulingan at De Leon.
Nabili ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang pakete ng hinihinalang shabu katumbas ng P2,000.00.
Nakuha rin sa kanilang pag-iingat ang isang libong piso at mga drug paraphernalia habang nasamsam pa sa kanilang sasakyan ang siyam na piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng dalawa.
Sa ngayon ay inaalam pa ang mas malalim na pagkakasangkot ng mga pinaghihinalaan sa iligal na kalakaran ng droga sa ikalawang rehiyon.