ILOILO CITY – Nahaharap sa kasong grave threat at conduct unbecoming of a police officer ang dalawang pulis na naglasing, nagpaputok ng baril at nagbanta na papatayin ang kanilang hepe sa Pototan, Iloilo.
Ang mga arestado ay kinilalang sina P/Pat. Joerick Ace Ilisan at P/Cpl. Esil Peñarubia, habang ang pinagbantaaan na hepe ay si P/Maj. Ronnie Brillo, pawang nakadestino sa Pototan Municipal Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Lt. Col Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-6, sinabi nito na nagsagawa sila ng inspection sa Pototan PNP.
Dito at naaktuhan sina Ilisan at Peñarubia na naglalasing at hindi pa nakasuot ng uniporme.
Nang mga sandaling iyon, wala ang hepe sa kanilang istasyon dahil pumunta ito sa lamay ni P/SSgt. Jessie Pamado sa Barangay Lumbo, Pototan.
Pagbalik ng hepe sa police station, kanyang pinagalitan ang dalawang pulis.
Dito na at nagalit si Ilisan at nagpaputok ng kanyang 9mm service pistol.
Kaagad naman humingi ng tulong sa Special Weapons and Tactics ng Iloilo Police Provincial Office ang hepe.
Sa ngayon, nakakulong na ang dalawang pulis.