-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Inaalam pa sa ngayon ng militar kung kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters and dalawang lawless elements na nasawi sa nangyaring shootout sa joint AFP at PNP checkpoint sa bahagi ng Barangay Elian, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Ito ang inihayag ni Brigadier General Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade Philipine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay General Pangcog,sakay ang dalawang suspek sa isang motorsiklo nang na-flag down sa checkpoint ngunit ng gawin ang inspeksyon, bigla na lamang kumaripas sa pagpatakbo ng kanilang motorsiklo ang mga suspek.

Naharang naman ang mga ito sa susunod na checkpoint ngunit sa halip na tumigil ay pinaputokan ng back rider ang mga nakabantay na nagresulta sa dalawang minutong palitan ng putok at humantong sa pagkasawi ng mga suspek.

Agad na rumesponde ang EOD Team ng Army at nabawi ang isang pampasabog sa posisyon ng mga ito.

Inaalam pa kung sino ang mga kasamahan ng mga nasawing suspek.

Samantala, nasamsam naman ng Marine Battalion Landing Team 5 (MBLT5) ng mga armas at kagamitang pangdigma sa isang abandonadong bahay sa Maguindanao del norte.

Narekober ang mga ito habang sila ay nagsasagawa ng combat clearing operations sa Barangay Nabalawag, Barira sa nasabing probinsya.

Kabilang sa mga narekober nila ang anim na rocket-propelled grenade launcher, labing-siyam na 81mm ammunition, dalawang mortar base plate, ilang mga bala ng cal. 50, ilang mga rifle grenades, ilang mga M203 ammunition, isang rocket-propelled grenade, at iba pang materyales na ginagamit sa digmaan.

Sa ngayon, mas hinigpitan pa ang pagbabantay ng mga sundalo at pulisa sa Maguindanao lalo na at nalalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election.