Hindi umano inaasahang magkakaroon ng direktang epekto sa weather system ng bansa sa mga susunod na araw ang dalawang low-pressure area (LPA) na namataan malapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang isang LPA sa layonog 595-kms hilaga-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon.
Hindi naman daw inaasahang papasok sa PAR ang nasabing LPA.
Habang ang isa naman ay nasa 2,140-kms silangan ng Southern Luzon.
Sinabi ng weather bureau, bagama’t may posibilidad na pumasok sa PAR ang isa pang LPA, malabo raw na lumakas pa ito at maging tropical depression.
“Ito po ay posibleng malusaw habang papalapit sa hilagang bahagi ng Luzon,” wika ni PAGASA weather specialist Ariel Rojas.
Gayunman, nagpaalala pa rin ang PAGASA na maaari pang mabago ang sitwasyon sa mga susunod na araw.
Samantala, patuloy na magpapaulan sa western sections ng Hilaga at Gitnang Luzon ang umiiral na Southwest Monsoon o Habagat.
Habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay posibleng makaranas ng isolated rains dahil sa localized thunderstorms.