-- Advertisements --

Patuloy na magpapaulan sa malaking parte ng Pilipinas ang dalawang low pressure area (LPA) na binabantayan sa loob ng teritoryo ng bansa.

Ayon sa Pagasa, namataan ang isang LPA sa layong 135 kms silangan ng Surigao City; habang ang isa na nasa loob ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ay nasa layong 185 kms kanluran ng Dipolog City, Zamboanga Del Norte.

Bukod pa rito, makakaapekto rin sa hilagang Luzon ang pag-iral ng northeast monsoon o hanging amihan.

Makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na rainshowers at thunderstorms dulot ng dalawang LPA at ITCZ ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Caraga, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula.

Dahil dito, binalaan ng weather bureau ang mga residente sa nasabing mga lugar sa posibilidad ng flash floods o pagguho ng lupa.

Habang ang Ilocos Region, Cordillera, at Cagayan Valley ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mahinang mga pag-ulan dahil sa amihan.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rainshowers dulot ng localized thunderstorms.