-- Advertisements --

VIGAN CITY – Engine trouble ang nakikitang dahilan sa pag-emergency landing ng isang Cessna plane sa shoreline ng Barangay Barangay Pilar, Sta. Cruz, Ilocos Sur kahapon.

Ito ang kinumpirma ni Police Captain Rogero Baling-oay, hepe ng Sta. Cruz Municipal Police Station sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan.

Kinilala ni Baling-oay ang mga nakasakay sa nasabing Cessna 152 aircraft na sina Miguel Franco Tubasis, 28-anyos na flight instructor ng WCC Aviation, residente ng Barangay Trenchera, Tayug, Pangasinan; at ang kaniyang student-pilot na si Ramielle Cycle Deltran, 21-anyos na taga-Barangay Libutad, Porac, Pampanga.

Hindi umano nasira ang eroplano nang mag-emergency landing ito sa nasabing lugar kaya hindi rin nagalusan o nasaktan ang dalawang kataong sakay nito.

Galing sa Lungsod ng Vigan ang aircraft at papunta sanang Binalonan, Pangasinan, nang magkaproblema ang makina nito kaya nagdesisyon ang piloto na mag-emergency landing na lamang.