-- Advertisements --

Aabot sa 2 million printed ballots para sa May 9 elections na dating kinonsidera bilang “defective” ang dineklara nang “good” ballots matapos itong dumaan sa rechecking.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na naalarma sila ni Chairman Saidamen Pangarungan na malaking bahagi ng 49.7 million ballots na printed na ng National Printing Office mula noong Enero 23 ay kailangan na sirain.

Magugunita na sa walk-through sa NPO noong Marso 15, sinabi ni ballot printing committee head Commissioner Marlon Casquejo na 5,288,268 balota ang defective mula sa 49,737,783 balotang naimprenta na.

Sinabi rin niya na tanging 31,996,605 printed ballots ang maikokonsidera bilang “good ballots” o katumbas ng 47.4 percent ng 67,442,616 ballots na kailangan para sa May 9 polls.

Ipinaliwanag niya na kaya maraming mga balota ang nadeklarang defective dahil kapag mayroong isang balota lang mula sa isang presinto ang makitang defective ay hindi na maaring gamitin ang iba pang mga balota sa naturang presinto.

Gayunman, sinabi ni Garcia na kasunod ng beripikasyon na ginawa ulit ng ballot quarantine group ng NPO noong Marso 15 rin mismo, nabatid na 2,092,577 ballots ang nakitang “good ballots” pa pala.

Ang bilang na ito ay na-turn over sa ballot exit group kasama ang iba pang mga balota na ide-deploy simula Abril 20.