CENTRAL MINDANAO – Napagkamalang asset umano ng militar ang dalawang katao na pinagbabaril-patay sa Barangay Crossing, Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.
Nakilala ang mga biktima na sina Gilbert Hipolan, 50, at Cynthia Blazo, alyas Ken, 23, kapwa mga residente ng Pigcawayan, Cotabato.
Matatandaan na sakay ng traysikad ang mga biktima galing sa pamimili ng bote at bakal pauwi na ng Pigcawayan, Cotabato ngunit pagsapit nila sa Brgy Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao ay doon na ito pinagbabaril ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.
Patay on the spot ang mga biktima nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Marami ang naniniwala na posibleng liquidation squad ng BIFF ang pumatay sa mga biktima.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat PNP sa pamamaril sa mga biktima.