KORONADAL CITY – Itinituring na isolated case lamang sa ngayon ng Cotabato City PNP ang nangyaring pagsabog ng granada sa isang resto bar sa Notre Dame avenue, Rosary Heights 2, Cotabato City.
Ito ang inihayag ni Police Captain Kenneth Rosales, Police Station 1 Commander sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Captain Rosales, naganap ang pagsabog sa loob mismo ng ng “Park ‘N Dine Restobar” kung saan nagpang-abot ang dalawang magkaaway na grupo.
Kinilala ang mga biktima na sina Parson Matingkong Guiaplos, Omar Jiamalodin, Sittie Amerkan, Norhanifa Uy at Mary Joy Antolan na pawang residente ng nabanggit na lugar at nagtamo ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan na ginagamot ngayon sa Cotabato Regional and Medical Center.
Dagdag pa ng opisyal, kumakain at nag-iinuman ang mga biktima habang nanood ng live band nang maganap ang pagsabog.
Narecover naman ng PNP ang safety lever ng MK2 fragmentation grenade sa blast site.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang kilalanin ang mga suspek na siyang nagpasabog ng Granada lalo na ang dalawang magkaaway na grupo.
Itinaas na rin ang paghihigpit sa seguridad sa nabanggit na lugar upang hindi na maulit pa ang insidente.
Hawak na rin ng pulisya ang CCTV footage na kuha sa naganap na pagsabog.