-- Advertisements --

Pinagsisibak na sa puwesto ni PNP Calabarzon Regional Director PBGEN Paul Kenneth Lucas ang dalawang pulis na magkalaguyo at maging ang kanilang mga nilokong asawa na kapwa pulis din sa Laguna.

Kaugnay pa rin ito sa una nang insidente na napaulat kung saan nahuli ng dalawang pulis ang kanilang mga asawang pulis din na nagtatalik sa loob ng isang sasakyan sa isang mall parking sa Calamba, Laguna.

Kung maaalala, batay sa mga impormasyon ukol dito ay tinangkang tumakas ng dalawang magkalaguyo nang mabisto sila ng kanilang mga asawa na nauwi naman sa pamamaril sa gulong ng sasakyan, habang ang isa naman sa mga ito ay nabaril sa kaniyang braso ng kaniyang misis matapos tumalon mula sa kotse at tangkang tumakbo.

Ayon kay PNP-Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, nasa restrictive custody na ngayon ang tatlong pulis, habang ang nabaril naman ay kasalukuyang nasa hospital arrest.

Aniya, ang apat na mga pulis ay isasailalim sa pre-charge investigation habang ang mga offenders naman ay mahaharap sa apat na criminal case at admin cases na maaaring magresulta naman ng dismissal sa kanilang serbisyo.

Samantala, tumanggi naman ni Fajardo na magbigay pa ng dagdag na detalye hinggil sa nasabing isyu bilang pagrespeto na rin aniya sa kahilingan ng mga pulis na sangkot sa nasabing isyu.

Kaugnay nito ay sinabi rin ni PCol. Fajardo na ang pangyayaring ito ay nagsisilbing paalala sa lahat ng miyembro ng kapulisan na huwag kalimutan kung ano ang tama at mali at ang pagkilala sa principle of morality and professionalism na bahagi rin ng kanilang police officer’s pledge.