-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hindi pa rin nahahanapan ang katawan ng dalawang lalaki na nalunod sa isang bukal o spring sa Diffun,Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Staff Sgt. Jay-ar Malasco, Investigator ng Diffun Police Station na unang naiparating sa kanila ang pagkalunod ni Fidel Alog, 38 anyos, may-asawa at residente ng Purok 3 Rizal, Diffun, Quirino .

Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na may dalawang nakakita kay Alog na may dalang flashlight at pana na nag-dive sa bukal ngunit hindi na umahon mula sa malalim na tubig na mayroong kuweba sa ilalim

Katuwang ng PNP ang rescue team na tumugon sa pagkalunod ni Alog ngunit dahil sa gabi na noong ikatatlumpo ng Marso ay ipinagpatuloy na lamang ang paghahanap kinabukasan.

Hiniling din anya nila ang tulong ng Coastguard at hinanap ang biktima ngunit ipinagpaliban ang retrieval operation dahil masama ang lagay ng panahon.

Noong Unang araw ng Abril ay nagboluntaryong sisirin upang mailigtas ni Eddie Ancheta, 60 anyos, may-asawa, residente ng Aglipay, Quirino ang kamag-anak na si Alog ngunit hindi na rin naka-ahon mula sa bukas o spring .

Pinaniniwalaan ng mga otoridad na nasa loob ng kuweba ang katawan ng dalawang biktima.

Nakatakdang ipagpatuloy ang retrieval operations sa katawan ng dalawang biktima kapag gumanda na ang lagay ng panahon sa nabanggit na lugar.