DAVAO CITY – Kinumpirma ng BFP 11 na dalawang menor de edad ang nasawi sa malaking sunog na sumiklab sa Purok Kaunlaran, Brgy. Saloy, Calinan, Davao City, kagabi Enero 8.
Kinilala ang mga biktima na sina Lex Antiga Romero, 14 anyos; at Loygie Antiga Romero, 13 taong gulang; na pawang mga PWD at residente ng nasabing lugar.
Nabatid na bandang alas-sais ng gabi, habang wala sa lumang tahanan ang ama na si Eliseo Capunong Romero, 37 anyos, napansin ng kapitbahay na si Sergio Camello Juarez, 48 anyos na may sunog sa bahay ng biktima.
Humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay at nagtulungang apulahin ang apoy.
Gayunpaman, hindi ito nakatulong dahil kakaunti ang kanilang kapitbahay at malayo sa ibang mga kabahay.
Gawa lamang sa light materials ang bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy at na-trap ang magkapatid sa loob.
Ayon kay Fire Investigator FO3 Jason Iguana, nakontrol ng mga bumbero ang sunog bandang alas-siyete ng gabi.
Nasa P55,000 ang pinsala sa insidente at kasalukuyang iniimbestigahan ang dahilan ng nangyaring sunog.