BAYAWAN CITY, NEGOR – Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang magkapatid na menor de edad sa Purok Ipil-ipil Brgy. Suba Bayawan City Negros Oriental na binawian ng buhay matapos makuryente noong Martes, Marso 12.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Col Joeson Parallag, chief of Police ng Bayawan City Police station, sinabi nitong ang mga biktimang hindi na pinangalanan ay isang 15 taong gulang na babae at 13 taong gulang lalaki.
Sinabi pa ni Parallag na sa kanilang imbestigasyon, naglalakad ang magkapatid pauwi nang madulas ang nakatatandang kapatid na babae at aksidenteng nahawakan ang mababang nakabitin na live wire.
Sa pagtatangkang tumulong, hinila ito ng nakababatang kapatid ngunit sa kasamaang palad ay nakuryente ang dalawa at agad na nawalan ng malay.
Isinugod pa ito sa malapit na pagamutan ngunit dineklarang dead on arrival.
Sa ngayon, patuloy naman aniya nilang iniimbestigahan kung may mananagot nito dahil ayon pa ay naiulat na ito sa Negros Oriental II Electric Cooperative (NORECO) ngunit posibleng hindi agad naaksyunan.
Panawagan naman nito sa publiko na maging mapagmatyag, iulat agad sa kinauukulang otoridad at magkaroon ng warning sign kung mahaharap sa ganitong problema at para maiwasan ang kahalintulad na insidente.