CAUAYAN CITY- Sumiklab ang dalawang magkasunod na engkwentro sa pagitan ng mga kasapi ng 17th Infantry Battalion (17IB) at Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Barangay Mallig at Barangay Upper Atok, Flora, Apayao .
Nagsasagawa ng security operations ang mga kasapi ng 17th IB sa Barangay Mallig,Flora matapos nakatanggap ang impormasyon mula sa mga residente sa presensya ng mga kasapi ng CPP-NPA sa kanilang lugar.
Kasalukuyan ang security operations ng mga sundalo nang paulanan sila ng mga bala ng mga baril ng nasa 20 kasapi ng CPP-NPA West Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Tumagal nang halos 15 minuto ang nangyaring palitan ng putok.
Umatras ang mga rebeldeng na nagsanhi ng kanilang pagkakawatak-watak.
Sa isinagawang clearing operations ng mga otoridad, ay nakakita ng bakas ng mga dugo ang mga sundalo at pinaniniwalaang marami ang nasugatang rebelde
Narekober ng mga sundalo ang apat na M16 rifles at mga Improvised Explosive Devices (IEDs) o mga pampasabog.
Ilang oras matapos ang engkwentro sa Barangay Mallig ay muling naka-engkwentro ng tropa ng mga sundalo ang hindi mabatid na bilang ng mga rebelde sa Barangay Upper Atok na tumagal ng humigit kumulang 30 minuto bago tumakas sa iba’t ibang direksiyon ang mga rebelde.