BAGUIO CITY– Swerteng walang naitalang nasaktan o nasira sa magkasunod na pagtama ng lindol sa lungsod ng Baguio at sa iba pang parte ng Luzon kahapon.
Nadama pasado alas-singko ng hapon kahapon ang unang lindol habang pasado alas-sais ng gabi ang kasunod nitong pagtama sa lungsod kung saan ilang minuto lamang ang pagitan ng dalawang lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOLCS), unang nadama ang magnitude 4.4 na lindol na may layong 11 kilometro mula sa sentro nitong kanlurang bahagi ng Ambaguio, Nueva Vizcaya at may lalim na apat na kilometro.
Dahil dito, nadama ang Intensity IV ng lindol sa lalawigan ng Ifugao habang Intensity IV sa bayan ng Itogon, La Trinidad at Buguias sa probinsia naman ng Benguet.
Samantala, bahagyang humina ang nagnitude ng ikalawang lindol a nasa 3.8 sa layong 14 kilometro sa kanlurang bahagi ng Ambaguio, Nueva Vizcaya na may lalim na isang kilometro.
Nagresulta ito sa Intensity III ng lindol sa Baguio City, Itogon sa Benguet at Bayombong sa Nueva Viscaya.
Ayon pa sa PHILVOLCS, tectonic ang origin ng dalawang lindol kung saan walang masyadong malaking epekto sa mga apektadong lugar.
Bagaman hindi nakapaghatid ng malaking epekto ang lindol, muling nagpapaalala ang mga awtoridad sa patuloy na pag-iingat at pagiging alisto ng publiko sa anumang darating na kalamidad tulad ng lindol.