LEGAZPI CITY- Dalawang magkasunod na sunog ang naka apektro sa dalawang barangay sa bayan ng Virac sa Catanduanes.
Ayon kay SFO2 Mariano Marino Jr. ng Virac Fire Station sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi na nagawa pang maisalba ang dalawang mga bahay matapos itong matupok ng apoy.
Nangyari ang sunog sa bahay ng mag-asawang sina Lala at Benjo Vargas sa Zone-1 Moonwalk, SIV.
Itinuturong dahilan ng sunog ay ang napabayaang iniinit na tubig ng 15-taong gulang na bata.
Napag-alaman na nagpunta sa tindahan ang bata upang bumili ng tinapay ngunit bago man ito umalis gumamit din ito ng panggatong na bao ng niyog o coconut shell.
Dahil dito ay lumakas ang apoy at inabot ang nakatambak na kahoy sa ibabaw ng kalan hanggang sa hindi na ito makontrol at nasunog na rin ang bahay.
Tinatayang nasa P63,000 ang danyos ng insidente.
Samantala, pag-aari naman nina Hedelisa at Salvador Gianan sa Pajo Baguio ang isa pang nasunog na bahay sa bayan ng Virac.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang naiwang kandila sa atar na malapit sa kurtina naman ang naging dahil ng sunog.
Napag-alaman na bago makinig ng misa ni Hedelisa, nagsindi muna ito ng kandila malapit sa bintana kung saan mayroong mga kurtina.
Mabilis ring kumalat ang apoy at walang nailigtas na gamit ang mag-asawa, kung saan tinatayang nasa P1.6 milyon naman ang danyos na natupok ng apoy.
Sa kabila nang nagyari nagpasalamat pa rin si Marino na walang namatay asin nasugatan sa insidente.