Umakyat na sa 27 ang patay habang 77 ang sugatan sa nangyaring twin bombing sa probinsiya ng Sulu.
Sa datos ng Philippine National Police (PNP)-Autonomous Region in Muslim Mindanao, sa 77 sugatan, 14 dito ang sundalo, dalawa ang pulis at 61 sibilyan.
Habang sa 27 fatalities, pito rito ang sundalong nasawi at 20 ang sibilyan.
Kaugnay nito, mariing kinondena ni PNP Chief Oscar Albayalde ang naturang pagsabog partikular sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Unang naganap ang pagsabog sa loob ng nasabing cathedral sa gitna ng misa, at ang pangalawang pagsabog ay nangyari sa labas na ng simbahan.
Sa ngayon, ipinag-utos na rin ni Albayalde ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa kambal na pagsabog na may pagitan lang na isang minutong.
Hindi pa rin masabi ng PNP chief kung may kinalaman ang insidente sa katatapos lamang na Bangsamoro Organic Law (BOL) plebiscite at pagratipika sa nasabing batas.
Samantala, nagdadalamhati ang PNP sa pagkamatay ng ilang sundalo sa nangyaring pagsabog.
“We strongly condemn this atrociuos act of taking the human lives for whatever purpose the perpetrators may have. The PNP together with other government security forces will make sure those who are behind this will be soon identified and put them behind bars,†pahayag ni Albayalde.
Sa panig naman ng Western Mindanao Command (WesMinCom), pito lamang ang patay habang 35 ang sugatan sa magkasunod na pagsabog.
Ayon kay WesMinCom spokesperson Col. Gerry Besana, batay sa kanilang datos ay 20 sibilyan ang sugatan habang 15 sa panig ng mga sundalo na nagresponde sa unang pagsabog.
Sinabi ni Besana, limang sundalo mula sa 35th Infantry Battalion ang nasawi at dalawang sibilyan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pangangalap ng impormasyon ng WesMinCom kung may mga biktima pang naisugod sa iba pang pagamutan.
Una rito, sa nakuhang report ng Bombo Radyo, nagising ang mga residente dahil sa dalawang pagsabog na posibleng sa may bahagi ng downtown Jolo.
Ang pagsabog ay nangyari ilang araw matapos ang ratification ng BOL kung saan nanalo ang “no vote” sa Sulu.