Tuluyan ding tumigil sa pagpapakawala ng tubig ang dalawang malalaking dam sa Luzon, ilang oras lamang mula nang magbukas ng spillway gate.
Una kasing nagpakawala ng tubig ang Ambuklao at Binga Dam nitong weekend ngunit makalipas ang ilang oras ay tumigil din sa pagpapakawala.
Umabot sa 33 cubic meters per second ang pinapakawalan ng Ambuklao sa loob ng ilang oras habang 38 cms naman ang pinapakawalan ng Binga.
Sa kasalukuyan, nasa 574.21 meters ang lebel ng tubig ng Binga Dam. Bumaba ito ng 12 centimeters mula sa dating 574.33 meters na lebel kahapon. Ang Normal High Water Level (NHWL) ng dam ay 575.
Umakyat naman sa 751.70 meters ang lebel ng tubig sa Ambuklao mula sa sa dating 751.67 meters na lebel nito kahapon.
Ang kasalukuyang lebel ng tubig sa dam ay 30 sentimetro lamang bago maabot ang NHWL na 752 meters.
Sa ngayon, walang malalaking dam sa bansa na nagpapakawala ng tubig sa kabila ng mga pag-ulang nararanasan sa ilang lugar, dulot ng iba’t-ibang mga weather system.