Muling nagbukas ng floodway gate ang dalawang malalaking dam sa Northern Luzon dahil sa patuloy na pag-ulan.
Batay sa report ng Hydrology Division ng Department of Science and Technology, nagsimula nang magpakawala ng tubig ang Magat dam at Binga dam kaninang umaga (Oct. 14).
Sa Binga dam, bukas ang isang gate nito at nagpapakawala ng kabuuang 38 cubic meter per second ng tubig.
Sa Magat dam naman, unang binuksan ang floodway gate nito at nagpapakawala ng 181 CMS ng tubig ngunit tuluyan ding itinaas sa 411 CMS dahil sa patuloy na malalakas na pag-ulan.
Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy pa rin ang mga malalakas na pag-ulan sa mga tributaryo ng naturang dam at inaasahang magpapatuloy din ang pagpapakawala ng tubig sa mga ito.
Apektado ng shearline ang Northern Luzon na siyang nagdudulot ng tuluy-tuloy at malalakas na pag-ulan.