Naghahanda na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para sa ikakasa sa susunod na mga linggo na 2 malalaking operasyon laban sa POGOs na nag-ooperate pa rin sa Pilipinas sa kabila ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Target ng operasyon hindi lamang para mapahinto ang kanilang operasyon kundi para arestuhin din ang mga indibidwal na sangkot sa naturang aktibidad.
Ayon kay PAOCC spokesman Winston Casio, inaantay na lamang nila ang report mula sa isinagawang raids ng NBI at PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa mga POGO hub sa nakalipas na mga linggo.
Aniya, bumuo na ang PAOCC ng isang task group bago pa man ang kanilang planong malaking operasyon laban sa mga POGO. Kabilang sa mga miyembro ng task group ang PAOCC, PNP, NBI, BI,DOJ at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Samantala, nagsimula naman na aniyang mag-wind down ng kanilang mga operasyon ang mga legal POGOs kung saan inaasahang malaking bilang ng mga dayuhang nagtrabaho dito ay babalik na sa kani-kanilang mga bansa bago ang deadline na ibinigay ni PBBM sa Disyembre 31 ng kasalukuyang taon.