(Update) CENTRAL MINDANAO – Nakatakdang magbigay ng kanilang counter-affidavit sa City Prosecutor’s Office sa Kidapawan City ang dalawang mamamahayag na idinawit sa umano’y pagpaslang kay Eduardo “Ed” Dizon.
Ang isang kagawad ng media ay personal na nagbanta raw kay Dizon habang ang isa ay nakunan ng CCTV footage bago pinatay ang brodkaster.
Mariin namang pinabulaanan ng dalawa ang pagdawit sa kanila sa pagpaslang kay Dizon.
Ang una ay nagsabi na nagkataon lamang na bumili siya ng gamot at kape sa botika at nakunan ng CCTV footage kung saan kaibigan nyang matalik ang biktima.
Hindi nga raw niya kayang kumitil ng buhay ng manok, tao pa kaya.
Ang isa naman ay hanggang radyo lamang ang kanilang batikusan at walang personalan.
Hindi rin daw niya magawang pumatay ng tao.
Samantala, maliban sa dalawa may isa pang media ang nagbanta kay Dizon na una niyang na-i-blotter sa pulisya bago ito pinatay.
Marami naman ang naniniwala na hindi magagawa ng mga inaakusahang kagawad ng media na patayin si Dizon at posibleng sinakyan lamang ito ng ibang grupo.
Tukoy na rin daw ng Special Investigation Task Group Dizon ang triggerman na namaril kay Dizon gamit ang 9mm pistol.