LEGAZPI CITY- Matagumpay na narescue sa Rapu-Rapu, Albay ang dalawang mangingisda mula sa Northern Samar na nasa dalawang araw ng nagpapalutang-lutang sa kalagitnaan ng karagatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ayra Bataller ng MDRRMO Rapu-Rapu, nakita na lamang umano ng mga mangingisda mula sa Poblacion ang bangkang sinasakyan nina Esmeraldo Bardon at Jenimar Duran kung kaya’t agad itong tinulungan na makapunta sa baybayin.
Dito na nakumpirma na nasa dalawang araw na palang nasa gitna ng dagat ang mga ito matapos na masira ang makina ng kanilang bangka.
Agad naman na binigyan ng makakain at maiinom ang dalawa at inireport sa barangay upang mabigyan ng dagdag na tulong.
Ayon kay Bataller, kahapon lamang ng makauwi na sa kanilang lugar sa Samar sina Bardon at Duran matapos na maayos na ang makina ng kanilang bangka at sinamahan na rin ng opisyal ng barangay.
Panawagan naman ngayon ng MDRRMO sa mga mangingisda na iwasan ng pumalaot lalo na kung may nakataas na gale warning upang maiwasang malagay sa alanganin ang sarili.