NAGA CITY – Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa lahat ng kanilang himpilan sa rehiyong Bicol matapos na maitala ang pagkawala ng dalawang mangingisda mula Mercedes, Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ens. Bernardo Pagador Jr., station commander ng PCG-Camarines Sur, kinumpirma nito na nakipag-ugnayan sa kanila ang PCG-Camarines Norte sa paghahanap sa mga mangingisdang sina Alex Fontado at Reynaldo Agihay.
Ayon kay Pagador, Hulyo 12 umano ng pumalaot ang dalawa mula sa bayan ng Mercedes papunta sa border ng Siruma, Camarines Sur at lalawigan ng Catanduanes upang mangisda.
Petsa 15 ng kasalukuyang buwan ang inaasahang balik ng dalawa ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakauwi sa kanilang mga pamilya.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng opisyal ang mga mangingisda na iwasan munang pumalaot sa karagatan lalo pa ngayon na nakataas pa rin ang gale warning sa buong rehiyon dala ng southwest monsoon.