(Update) LA UNION – Na-rescue na ang dalawang mangingisda na nakitang palutang-lutang sa dagat, partikular sa sakop ng Barangay Taboc, San Juan, La Union.
Ang mga isinalbang mangingisda ay nakilalang sina Manuel Basera Jr., 35, at Junel dela Cruz, 19, kapwa taga-Alaminos, Pangasinan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay MDRRMO officer Gino Mabalot sa bayan ng San Juan, sinabi niya na base sa salaysay ng dalawa, nangisda ang mga ito madaling araw noong June 12 ngunit kina-umagahan sa nasabing araw ay nasiraan na ng makina ang sinakyang nilang banca de motor.
Kahapon ng hapon nang makita ng ilang mga residente ang nasabing bangka, sa layong 600-700 meters ang layo mula sa tabing dagat na tila hindi na umaandar at tinatangay na lamang ng agos at hangin sa karagatan.
Agad silang nag-report sa MDRRMO.
Agad ding umaksiyon sina Mabalot at naging matagumpay naman ang isinagawang rescue operation pasado alas-3:00 ng hapon.
Napag-alaman na nagpalipas muna ng gabi ang dalawa sa bahay ng isang residente na nagboluntaryong tumulong, bago sila umuwi sa kanilang pamilya sa Pangasinan ngayong araw.
Dagdag pa ni Mabalot na na-contact nila kahapon ang sinasabing boss ng dalawa o may-ari ng motorbanca, para sunduin ang mga ito pabalik sa kanilang lugar.