NAGA CITY – Bumiyahe agad kaninang madaling araw ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) para sagipin ang dalawang mangingisdang nakasakay sa bangkang inanod ng alon sa bahagi ng Pacific Ocean sa Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ensign Bernardo Pagador Jr, station commander ng PCG-Camarines Sur, sinabi nito na kagabi ng makatanggap sila ng impormasyon mula sa PNP-Lagonoy sa umano’y stranded na mga mangingisda sa gitna ng karagatan.
Nakahingi umano ng tulong ang isa sa mga kasamahan ng dalawang mangingisda na si Virgilio Borja sa Barangay Mapid, Lagonoy, Camarines Sur at sinabing apat na araw nang nagpapalutang-lutang sa karagatan ang bangkang sinasakyan ng mga ito.
Kinilala ang mga stranded na mga mangingisda na sina Regidor Penida at kinilala lamang sa pangalan na Jay-R na kapwa mga taga-Mercedes, Camarines Norte.
Ayon umano sa kuwento ni Borja, nagkaroon ng engine trouble ang sinasakyang bangka ng dalawa sa gitna ng pangingisda sa karagatang sakop ng Camarines Norte hanggang sa mapadpad na sila sa Lagonoy Golf sa Camarines Sur na bahagi na ng Pacific Ocean.
Pinilit umano ni Borja na pumalaot gamit ang kanyang maliit na bangka para makahingi ng tulong dahil hindi umano kaya ng kanyang bangka na isakay ang kanyang mga kasamahan.
Paliwanag ni Pagador nasa 60 nautical mile ang layo ng mga mangingisda at aabutin umano ng pito hanggang walong oras ang biyahe bago marating ang kinalalagyan ng mga ito.