Nag-abiso na ang US National Weather Service sa milyun-milyong katao sa Amerika na ipagpaliban muna ang kanilang mga travel plans dahil sa masungit na lagay ng panahon na sasabay pa sa Thanksgiving Day.
Dalawang napakalaking storm systems ang nakakaapekto ngayon sa US, na may dalang kombinasyon ng niyebe o snow, ulan, at malakas na hangin.
Nagdulot na rin daw ng malawakang pagkaputol ng suplay ng kuryente ang hanging may lakas na 35 mph sa mga lugar gaya ng San Francisco, sa Sierra Nevada range, Chicago at Cleveland.
Nagpapahirap pa lalo sa pagbiyahe ang snow sa central US at Midwest, partikular sa South Dakota kung saan naitala na rin ang madulas na mga daan dahil sa yelo.
Ayon pa sa National Weather Service ng Amerika, nagpapaulan na rin sa Western parts ng US ang bomb cyclone o isang uri ng bagyo na mabilis ang paglakas.
Itinuturing din umano itong “historic” at “unprecedented” dahil nagtala ito ng low-pressure records ngayong buwan ng Nobyembre sa ilang bahagi ng Oregon at Northern California. (CNN)