-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nasampolan ng Speedgame Incorporated ang ilang opisyal kabilang na ang dalawang alkalde sa probinsiya ng Pangasinan na pinaniniwalaang sangkot sa illegal numbers game.

Una rito, naghain ng kaso ang Speedgame laban kina San Carlos City Mayor Joseres Resuello, kapatid na vice mayor na si Julier Resuello at ang chief of police na si Supt. Rollyfer Capoquian, gayundin sina San Fabian Mayor Constante Agbayani at ang chief of police ng San Fabian na si Chief Inspector Melecio Mina at mga opisyal ng PNP CIDG sa lalawigan sa pamumuno ni Supt. Philip Antang.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlon Ngarin, operation manager ng Speedgame, sinabi nito na naisampa na nila ang kaso laban sa mga nabanggit na opisyal sa opisina ng Ombudsman.

Wala na rin aniya silang balak kausapin ang mga sangkot na opisyal at sa korte na lamang nila sagutin ang inihaing kaso sa kanila.

Bukod kasi aniya sa testimonya ng mga saksi, may mga dokumento silang hawak na nagpapatunay daw na may basbas ng mga respondent ang naturang illegal activity, gaya ng ginanap na pakikipagpulong sa mga operators ng jueteng sa lalawigan.

Ayon kay Ngarin, malinaw na walang permit sa Philippines Charity Sweepstakes Office  (PCSO) ang peryahang bayan o illegal jueteng na hawak ng Globaltech Mobile Online Corporation (GMOC) kung kaya’t desidido silang ituloy ang kaso.