TACLOBAN CITY – Patuloy ang ginagawang operasyon at imbestigasyon ng mga kapulisan at mga militar matapos ang nangyaring engkwentro laban sa mga mga rebeldeng grupo sa Brgy. Roxas, Catubig Northern Samar kung saan dalawang mga menor de edad ang napatay at sugatan ang isa pang sibiliyan na nadamay sa nasabing insidente.
Sa ipinalabas na report ng 803rd Brigade dalawang mga rebelde rin di umano ang napatay sa nasabing engkwentro.
Ayon kay PCapt. Noel Unay, Chief of Police ng Catubig MPS, nagpapatrolya ang tropa ng 803rd Brigade nang makaengkwentro nila ang nasabing grupo ng mga rebelde na pinaniniwalaang mga miyembro ng Front Committee 15 ng Sub-Regional Committee “Arctic” ng Eastern Visayas Regional Party Committee.
Ayon pa sa report, habang nagpapatrolya ang mga sundalo sa nasabing lugar at may kinakausap na mga sibilyan ay bigla na lamang silang pinaputukan ng mga rebeldeng grupo.
Sa nasabing engkwentro dalawang rebelde ang kanilang nabaril ngunit nang makita nilang ilang mga sibilyan na ang natamaan ng bala ay agad nilang binigyan immediate first aid habang nakatakas palayo naman ang mga NPA.
Umabot ng halos 20 minuto ang naging palitan ng putok ng magkabilang grupo.
Dead on the spot ang 12 anyos na si Andre Mercado, sugatan naman ang 26 taong gulang na si Arlie Rebay habang isa pang 13 taong gulang na si Leandro Alivio naman ang namatay sa ospital dahil sa grabeng tama ng bala sa kanyang katawan.
Sa ngayon ay patuloy naman ang ginagawang operasyon ng mga militar at nagdeploy na rin ng helicopters ng Fact Finding team upang maimbestigahan at matukoy ang mga rebeldeng nasa likod ng nasabing insidente.
Samantala, siniguro naman ni Gov. Edwin Marino Ongchuan at Mayor Galahad Vicencio ang suporta para sa mga pamilya ng mga biktima ng nasabing madugong insidente.