-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nauwi sa trahedya ang masayang bakasyon ng isang pamilya matapos malunod ang dalawang miyembro ng pamilya na pawang mga menor de edad sa Bonuan Tondaligan Beach, barangay Bonuan, Dagupan City.

Kinilala ang mga biktima na sina Angel Tan Garcia, 5, Grade 1 student at Mesha Lhorraine Tan Wee, 6, Grade 1 student at parehong residente ng Block 14 Lot 33, Palmera, Bulacan.

Base sa imbestigasyon, dumayo pa ang pamilya mula sa Buiacan para maligo sa nasabing lugar.

Masaya pa raw magkakasama ang mga biktima kasama ang kanilang pamilya nang mangyari ang insidente.

Agad namang isinugod sa ospital ang dalawang biktima subalit idineklara silang dead on arrival ng kanilang attending physician sa Decena Hospital dito sa lungsod.

Samantala, inihayag naman ni Police Lt. Enrique Columbino, team leader ng PNP na nagbabantay sa bahagi ng Brgy. Bolosan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, mayroon silang nakikitang lapses o kapabayaan ng mga magulang sa nangyaring pagkalunod matapos na mahayaan na maligo ang mga ito sa dagat ng walang sapat na pagbabantay.