TACLOBAN CITY – Patay ang dalawang menor de edad matapos na ma-trap ang mga ito sa loob ng kanilang bahay na sinadyang sunugin ng kanila mismong ama sa bayan ng Catarman, Northern Samar.
Ang naturang mga biktima ay edad 16 na taong gulang at 13-anyos na pamangkin ng suspek na si Fernando Ford Frigillana, 39 anyos at residente ng naturang bayan.
Ayon kay SFO2 Rubin Calumpiano ng Catarman, una munang naghamon ng away ang naturang suspek at kumuha ito ng itak dahil sa sobrang kalasingan.
Matapos ang ilang minutong komosyon ay nasita ito ng kaniyang pamilya at nagdesisyon na magpahinga muna.
Pero pagsapit ng hating-gabi ay nagising na lamang ang pamilya ng suspek na nasusunog na ang kanilang bahay.
Hindi naman kaagad na nakalabas ang mga biktimang menor de edad dahil sa mahimbing na natutulog ang mga ito sa kanilang bahay.
Samantala, nanatili naman sa kostudiya ng kapulisan ang suspek habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon ukol sa naturang insidente.