LEGAZPI CITY – Gutom at nanghihina na nang ma-rescue ng tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang lalaki sa Brgy. Balibeweng, Agoncillo, Batangas.
Nabatid na maysakit sa pag-iisip ang mga ito na edad 40 hanggang 50-anyos at sinasabing inabandona ng mga kamag-anak.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CGD Southern Tagalog Operations chief Lt. Cmdr. Anthony Cuevas, naka-padlock pa umano ang mga ito nang maabutan ng rescue team.
Nagtangka pang magpumiglas ang isa sa pag-rescue ng tropa subalit kumalma rin matapos mabigyan ng kaunting pagkain at tubig.
Wala ring makapagbigay ng pangalan ng dalawa maging ang kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa.
Hinala pa ng opisyal, maaring iniwan ang mga ito upang hindi maging kabigatan sa paglikas ng hindi pa nakikilalang mga kamag-anak kasabay ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Samantala, nai-turnover na rin ang dalawa sa pangangalaga ng Office of the Civil Defense (OCD) Calabazon Emergency Response Team.
Pinaghahanap na rin ang posibleng pamilya ng mga ito.