Iniulat ng Department of Agriculture (DA) ang hindi pagsunod ng dalawang merkado sa inilatag na maxium retail price kasunod na rin ng implementasyon nito kahapon, Enero 20, 2025.
Batay sa pag-iikot ng team mula sa DA, natuklasan nilang hindi sumunod ang ilang mga nagbebenta ng bigas mula sa Guadalupe Commercial Complex sa Makati City at Pasay Public Market.
Batay sa report ng DA, sa Guadalupe market ay ibinebenta pa rin ang bigas sa presyong P59 kada kilo, mas mataas ng piso kumpara sa P58 MRP.
Sa Pasay market, ilang mga tindera ang nagbebenta umano ng hanggang P60 kada kilo, dalawang pisong mas mataas kumpara sa MRP.
Sa ilalim ng maximum retail price policy ng DA, ang mga imported premium rice ay hindi dapat ibebenta sa presyong mas higit pa sa P58. Saklaw nito ang lahat ng mga pamilihan dito sa National Capital Region (NCR).
Ito ay paraan ng ahensiya upang mapanatili ang mas mababang presyo ng bigas, anuman ang kalidad, at maging mas abot-kaya para sa mga konsyumer.
Una nang nangako ang DA na mag-iikot ang mga binuo nitong team sa iba’t-ibang mga malalaking pamilihan sa NCR upang masigurong ang lahat ay tatalima sa MRP.
Samantala, matapos ang opisyal na implementasyon nito kahapon ay sinabi rin ng DA na pagkatapos ng dalawang lingo ay posibleng rerepasuhin din muli ang MRP ay maaaring pababain pa ito sa P55 kada kilo.