-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Dalawang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasugatan sa engkwentro ng mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina Basit Ulanen at Mindatu Lanson, mga tauhan ng MILF Task Force Itihad at mga residente ng Shariff Saydona, Mustapha, Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na namataan ng MILF Task Force Itihad ang presensya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group) sa Barangay Dasawao, Shariff Saydona, Mustapha sa Maguindanao.

Mabilis umanong nagresponde ang Task Force Itihad ng MILF para proteksyunan ang mga sibilyan ngunit agad din silang pinaputukan ng mga rebelde.

Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Sinasabing umatras ang mga terorista sa ilalim ng grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng dumating ang pwersa ng 57th Infantry Battalion Philippine Army na tumulong sa MILF Task Force Itihad.

Dalawa namang MILF combatants ang nasugatan na agad dinala sa pagamutan sa Cotabato City habang hindi pa matiyak sa panig ng BIFF.

Sa ngayon patuloy na tumutulong ang MILF Task Force Itihad sa militar at pulisya laban sa banta ng BIFF sa Maguindanao at North Cotabato.