-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Dalawa ang nasawi at apat ang sugatan sa mga myembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang tambangan ng mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.

Nakilala ang mga nasawi na sina Muhidin Kasanudin at Mackboy Mama, habang sugatan naman ang apat nilang kasama na sina Mistah Miguel Bukong, Baser Bukong, Badz Haron, at Usman Tawab mga kasapi ng 105th Base Command ng BIAF-MILF.

Ayon kay Major Saber Balogan tagapagsalita ng 601st Infantry Unifier Brigade na tinambangan ng mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang mga biktima sa bahagi ng Sitio Amilil Barangay Tukanalipao Mamasapano Maguindanao del Sur.

Nakaganti pa ng putok ang panig ng MILF sa BIFF kaya umabot pa ng mahigit isang oras na engkwentro.

Umatras ang BIFF nang magresponde ang mga tauhan ng Charlie Company ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army na siyang nagdala sa mga sugatan sa pagamutan habang dinala sa kanilang pamilya ang mga nasawi.