BUTUAN CITY – Dalawang mga minero ang patay matapos pinaghihinalaang nalason ng hindi pa malamang kemikal sa loob ng isang tunnel ng minahan.
Nakilala ang mga biktimang sina Eman Escropulo Diaz, 20, binata, at Mark Anthony Escropulo Diaz, 30, parehong taga-Brgy. Aurora, sa bayan ng Taganaan, Surigao del Norte.
Base sa inisyal na imbestigasyon, pasado alas-8:00 ng umaga nang magpunta ang dalawa kasama ang taltong iba pa sa Sitio Duyangan, Brgy. Laurel, para sa small scale mining operation sa loob ng tunnel ngunit hindi na nakalabas ang dalawa dakong alas-11:00 ng umaga kung kaya’t nagdesisyon ang kanilang kasamahang si Rito Cruzado na pasukin ito.
Dito umano niya naamoy ang masangsang na kemikal at saka nadiskubre ang bangkay ng dalawa.
Nagawa namang mailabas ang mga labi pasado dakong ala-1:40 na ng hapon kahapon.
Base sa post mortem examination ni Dr. Benjelita Pospia-Notada nalaman na ang dahilan ng kanilang pagkamatay ay pulmonary failure secondary to pulmonary congestion.