Bago pa man sumikat ang araw ngayong Linggo, dalawang minor phreatomagmatic eruptions ang naitala sa Taal Volcano sa Batangas.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology ang Seismology (PHIVOLCS) director at Science Undersecretary na si Renato Solidum, ang maliliit na pagsabog na ito ay nagbuga ng nasa 400 hanggang 800 meters na taas ng plume kaninang alas-4:34 hanggang alas-5:04 ng madaling araw.
Wala na rin naman aniyang naitala pang kasunod pero pinapakita lamang ng Taal Volcano na puwede pa rin ito magkaroon ng pagsabog kaya kailangang bantayan.
Sa mga naitalang minor eruptions ngayong araw, sinabi ni Solidum na posibleng mayroon kasamang abo ang mga ito.
Kahapon, Sabado, nang itinaas ng PHIVOLCS ang alert status ng Taal Volcano mula Alert Level 2 patungong Alert Level 3.
Ito ay matapos ng “short-lived phreatomagmatic burst” na naitala sa main crater ng Taal Volcano bandang alas-7:22 ng umaga. Sinundan pa ito ng “nearly continuous phreatomagmatic activity” na nakapag-generate ng 1,500 meter na taas ng plumes at volcanic earthquake at infrasound signals.